as of haraya’s previous online event result here are those chosen pieces that submitted on our page.

1.Minsan tumatawa rin ang mga alon ni King vincent salazar

Bata pa tayo noon…
Musmos ka pa nga
At kita pa ang biloy,
sa pisngi mong tila mamon
Mahilig kang mangulit
Ngumiti, kahit ikaw ay bungi
At ako nama’y may sungki
Ang kulit mo—sobrang kulit!

Sabagay, isa ka nga palang
Reyna
At ako naman ang
Hari
sa binuo mong kaharian

Kastilyong kaharian sa buhanginan—
Iyan, ‘yan ang malimit nating gawin,
Bumuo ng kastilyo…
Bumuo ng mga pangarap
Bumuo ng mga kuwento
Bumuo ng mga alaala
Titigil lang tayo hanggang,
ang ating kastilyo’y lamunin ng mga alon

Sa paglipas ng panahon
Nilamon na ng mga alon
Ang ating pagkabata

Tumatawa ang mga alon

Nang-aasar
Ang torpe ko raw
Pero minsan;

Isinigaw ko na gusto kita!

Mali,
Mali pala…
Ibinulong ko lang,
Sa kabibeng nasa aking tainga.
Humagikhik ka, namula ako
Akala ko talaga, narinig mo
Ngumiti ka,
May ningning ang ‘yong mga mata
Hindi ako makagalaw
Humakbang ang iyong mga paa
Palapit
Lumalapit ka
patungo sa akin…
Isa kang diwatang marikit
Na lubos na kaakit-akit
Sana’y ‘di na matapos ang aking nililikhang awit

Hanggang
sa tumawa na ulit ang mga alon
Nabasa ka
Ang iyong mga paa
Sinira ng alon ang eksena
Ibinato mo ang kabibe,
na nag-uugnay sa ating mga puso
Humigpit ang kapit ko,

Nagbabakasakali.

Hindi ka nga pala marunong lumangoy
Pero nilulunod mo ako;
sa presensya
sa kagandahan
sa talento
sa mga ngiti
sa mga biro mo

Sasagipin mo ba ako?

Paano mo ako sasagipin, kung ‘di ka marunong lumangoy?
Tuturuan ka?

Kung paano pansinin ang tulad ko?
Kung paano imulat na may taong nagpapahalaga sa’yo?
Kung paano makiramdam sa paligid mo?
Kung paano magmahal ulit?
Paano nga ba magmahal ulit?
Paano nga ba?
Oo, nang paulit-ulit.
P’wedeng umasa—kumapit.
Kahit… ma—sa—kit!

Masakit.

Nalaglag
ang aking kabibe sa buhanginan
Napaupo ako—tayo,
habang minamasdan ang makulay na dapit-hapon
Noong lumipas na kahapon
Ganito rin noong nakaraang taon
Na sana, makasama kita sa pagdating ng panahon

Ngumiti ka—pa(g)-asa?

Hindi ko alam

Hanggang
sa muli kong narinig
ang pagtawa ng mga alon

2.SA BINTANA NG KAHAPON ni Gaudencio V. Balongcas

Sa bintana ng kahapo’y dinungaw ko ang lumipas,
Na laon nang naging abo sa libingang walang bakas;
At doon ko napagmasdan alaalang nangungupas,
Na anaki’y mga dahong nang matuyo’y nangalagas.

Nangalagas na katulad nitong dahon ng panahon,
Na sa diwa’y umaalpas nginangatngat ang hinahon;
Ibig nitong makalaya sa kulungan ng kahapon,
Upang mandi’y makalipad na anaki’y isang ibon.

Isang ibo’y alaala’t bahagi ng kamusmusan,
Sa bayan kong minumutya at sa nayong sinilangan;
Kapag ibon ng Kilyawan ang awit ay napakinggan,
Napapawi itong lungkot ang hatid ay kagalakan.

Ang hatid ay kagalakan sa puso ko bilang bata,
Nitong ibong sa paglipad minamasdang may paghanga;
“O! Kaysarap ng buhay n’ya lumilipad nang malaya”,
Sinasambit nitong labi’t binibigkas nitong dila.

Ang dila ko di nagtagal sa pagbigkas ay nasanay,
Sa tula ay nagkahilig, ang tulai’y naging buhay;
Buhay itong bawat tugma’y sinisimpan, sinasaysay,
Sa daigdig at mundo kong ang salita’y makukulay.

Makukulay na salita’y naging tulay sa pag-ibig,
Sa pagligaw sa dalagang katagpo ng aking titig;
Sa tamis ng aking dilang pag-aari ang daigdig,
Ang sagot ng minumutya ay “Oo” ang tanging pantig.

Tanging pantig ay ligayang lumason sa pagkatao,
Pagkat ako ay nalasing sa aliw na makamundo;
Katulad ko at kabagay mapaglarong paruparo,
Bulaklak na madapuan sinisimsim itong bango.

Itong bango sa paglipas ng panaho’y napagwari,
Taglay nito ang kamandag na panurot nitong budhi;
Sa bango at kagandahang pangarap at minimithi,
Ang anino’y kataksilang bumaliw sa aking muni.

Sa muni ko’y naging aral hindi dapat ang maglaro,
Sa larangan ng pag-ibig, sa larangan ng pagsuyo;
Itong karma’y naghihintay dapat itong mapaghulo,
Upang hindi mapasadlak sa bangin ng pagkabigo.

Sa bangin ng kabiguan nang masadlak akong minsan,
Nadurog ang aking puso sa tindi ng kalungkutan;
At dito ko napagwari ang matandang kasabihan,
“Ang magtanim ng masama aanihi’y kasamaan”.

Kasamaan ay inani’t nawakawak itong diwa,
Mga matang nalulumbay bumukal ang mga luha;
Bawat araw bawat gabi’y nagtatanong sa Lumikha,
“Sa aba kong kapalaran, ito ba ay Iyong sumpa?”

Kung sumpa mang matatawag ang tinamong pagdurusa,
Maluwag kong tatanggapi’t hindi ako magtataka;
Sa nagawang kasalanan ng puso at kaluluwa,
Marapat lang ang tumanggap nitong angkop na parusa.

Sa parusang iginawad pagsapit ng takipsilim,
Ang ilaw ng angking buhay sa wari ko ay kulimlim;
Napaparam ang liwanag kinakain nitong dilim,
Unti-unting naglalaho sa pugad ng salamisim!

3.PAG-IBIG SA DANGAL NG BAYAN ni Pedrito Perlas De Vega sr.

Pinanggagalingan ng maraming tangis,
sa kapaligirang lubos na nanganib;
Mga bigong kilos maling panaginip,
binabangungot kang, may malaking galit.

Mga kasaysayang naganap na noon,
pawang kulay luksa sa buong panahon;
Pinagbigyang minsan lalo pang dumunong,
tayo’y nililibing, ng walang kabaong.

Ang nakaka-awa ating kababayan,
malaon ng bigti, walang masulingan;
Maralita’t mang-mang ay niyuyurakan
sa maling gawain, ng mga dayuhan.

Languyan ng isda kay’langan ng tao,
ano’t tinabunan at inaabuso;
Mga karapatang hindi natatamo
sa sariling bansa, wala ang bangis mo.

Pagpapahalaga sa sariling dangal,
unahing pansinin ng pamahalaan,
Gawan ng sulusyon at nadadagdagan
itong inaangkin habang tumatagal.

Piliting lumayo sa labi ng hangin,
nawala ang laya na ibig tamuhin;
Ang hunghang na mali ay dapat durugin,
yong makagagaling, siyang paigtingin.

Bakit di bagtasin ang daang tutunghay,
na pinanggalingan ng dugo at buhay;
Bakit hahayaang, matapak-tapakan,
ang bunga ng pusod, nitong karagatan.

Kayong nalagasan ng bunga ng dagat,
na sinasabuyan nitong tubig alat;
At nanghihinayang sa yamang mataas,
sa sakop ng lupang, bansang Pilipinas.

Dapat umpisahang ayusin na ngayon,
ang nilulunggati’t ating nilalayon;
‘Di matamong palad naganap na noon,
ang muling pagsakop, sa lupang umusbong

4.PAALAM NA SINTA ni Carmencita Aquino

Itatabi ko na
ang lumang kalendaryo
Kakalimutan na rin
ang nagdaang PASKO
na wala ka na sa aking piling
Ano pa ba ang dahilan ?
Ng pag sikat ng Araw?
kung di ka na naaaninaw
dito sa aking balintawtaw?
mga Himig ng musica
na nagpapa gunita
ng masasayang sandali
Di na naririnig,
Ngayong kay layo mo na
Oo, ang pagitan nating dalawa
Lumawak na, di na malipad ng ibong
nais sa pugad ay mamahinga,
Nasaan ka nga ba?
Natabunan na ng makapal
na nieve ang sinumpaang pahina
ng pagiibigang kay Tamis sa simula
Nabura na ng panahon
ang pagsintang nakaukit
mga bakas ng kahapon
dito sa puso ay nakakahon
Pilit iniaahon, ngunit
pilit ding ibinabaon..nasaan ka nga ba?

5.Hiram na pag ibig Nick Ferrarin

Nakaw na sandali laging hinihingi
ang pagsintang labis, ito ang lunggati
nitong pusong uhaw sa iyong kandili
oras mo ay kulang , kulang ang sandali.

laging hinahanap sa ‘king alapaap
ng mga pangarap, sana ay matupad
magkasama tayo, hadlang ay lumipad
ang kaligayahan nais na maganap.

buong-buo ikaw ang aking pithaya
ayaw may kasalo sa aking pagsinta
ngunit kung ito nga ang tinatadhana
ako’y magtitiis dangan ay huli nga.

diwa’y alinlangan sa ‘king ginagawa
ang dikta ng puso ang s’yang nangunguna
hiram na oras mo dagli lang mawala
gutom itong puso sa iyong kalinga.

pag-ibig na hiram may kalalagyan ba ?
ito nga ay bawal sa kanilang mata
ngunit ang pag-ibig sino bang lumikha?
tingin ko’y unawa kanyang madarama.

hiram kong pag-ibig ay tunay at wagas
magtiis ay kaya magpahanggang wakas
dahil ‘di katawan ang s’yang tanging hangad
mundo man magunaw ‘di kayang matinag.

‘di kayang liripin kahit na ninuman
ang tindi ng lalim ‘di kayang tularan
pagkat karaniwan, babaw ang isipan
akala may laway kapagka hiniram.

hindi nga maabot itong aking puso
akala bulaan ang aking pagsuyo
hindi nila alam wala ngang siphayo
dahil nga dalisay itong espirito.

ang aking pag-irog ipagmamalaki
kahit nga hiniram wala ngang inapi
kung pagmamahalan malinis ang budhi
sino ang pipigil sa kung walang mali.

madumi ang isip ng pangkaraniwan
akala pag-ibig ay iisa lamang
dahil nga sa laman ang s’yang tanging alam
kaya huhusgahan ‘pag sinabing hiram.

6.Love’s Domain by Neneth Raniro Rondera

It is everywhere
In every femme and male
It is in me
A fire in so many ‘he and she’
It keeps one whole
And puts glow in a soul
It makes a spirit alive
And hopelessness survive.

It prompts the many whys
Which some choose to lie
It explains not how
Instead it moves to bow
To the endless questions
Which never know reasons,
It radiates in every Season
Fears not a dream or illusion.

It lies in a heart’s realm
Which one could not explain
It lies with mystery
In a beautiful scenery
It is indescribable enough
That one can only laugh
Or yet, cry with no answer
Muted by its power.

7.LET ME TELL YOU SOMETHING by Gaudencio V. Balongcas

Let me tell you the words I utter day and night,
With the rhythmical beat of my love-living heart;
Let me tell you these words my lady of delight,
“I will always love you for the rest of my life”.

Let me tell you the words I whisper every day,
Amidst the rushing gust and breaking whip of wind;
Let me tell you these words, the words I used to say,
“I can’t live without you, without your love and care”.

Let me tell you something the words that never last,
‘YO TE AMO MUCHO’, “I love you very much”;
Let me say it once more, the spell I dare to cast,
“You are my beloved, my one and only love”.

I will keep forever these words of affection,
Till the sun is shining and life goes on and on!

8.WALANG IWANAN ni Edgar Tamayo Jr

Ayokong marating ang mga pangarap,
Kung sa pag-abot nito kamay mo ay di ko hawak.
Sabay nating sakyan ang siyam na ulap,
Magkasamang lasapin hatid nitong sarap.

Sabay nating puntahan ang mga panaginip,
Halika’t lumipad sa lawak ng langit
Ang mga bituin ay gawin nating pansalig
Sa mga pagsubok at mga ligalig.

Manatili tayo sa hardin ng pagmamahal.
Hayaang mamulaklak ang mga halaman.
Paru-paro’t bubuyog ay magsasayawan,
Bilang papuri sa ating sumpaan.

Walang takot nating puntahan ang mga lambak at burol,
Kahit daan ay malubak at buhol-buhol.
Hahawakan kita at ipagtatanggol,
Pipiliting marating ang dako pa roon.

Ang paglalakbay na ito ay walang iwanan,
Matalisod, madapa at sakaling
masugatan.
Sabay na babangon nang buong dangal,
Pangakong itataga sa harap ng Maykapal.

9. Mga Munting Bituin ni King Vincent Salazar (short stories)

Lumalapat na ang karimlan sa lipunan, at ang lansangan ay muling napapalamutian ng mga kumukutitap na ilaw. Muling nagbihis ang lungsod dahil sa himig ng kapaskuhang sumasabay sa dapyo ng hangin. Maingay ang paligid, nagmamadali ang mga tao, at ang alinsangan ng lupa’y unti-unting sinasakop na ng hamog nang gabi. Nagsilisaw sa lansangan ang mga bata upang haranahin ang mga bahay-bahay. Dala-dala nila ang kanilang mga tambol na gawa sa lata ng gatas at ilang mga pinitpit na tansan.
Maingat kong inalis ang pantukod sa aming bintana, at narinig ko ang mahinang lagitik nang lumapat na ito sa dingding. Inihakbang ko ang aking mga paa, upang—
“Kuya, bakit mo isinara ang bintana? Tinitingnan ko pa ang mga bituin.”
Ipinihit ko ang aking katawan paharap sa nagsalita at nakita kong nakasandal sa ulunan ng kama ang aking kapatid, si Tala.
“Mahamog kasi sa labas dahil gumagabi na. At akala ko kasi tulog ka na,” nakangiti kong saad at umupo sa tabi ng kaniyang higaan.
Gumuhit ang matamis na ngiti sa kaniyang mga labi. “Hindi ako makatulog. P’wede ko ba ulit makita ang mga bituin?”
“S’yempre naman! Ikaw pa, prinsesa ni Kuya.”
Tumayo ako at binuksan ang bintana. Pumasok ang malamig na hangin at tuluyang yumakap sa aking katawan.
“Kuya, maari ba akong sumilip sa bintana?”
Maingat akong lumapit kay Tala at inalalayaan siya upang makadungaw sa bintana. Mabining ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi nang mamalas niya ang obra nang gabi.
“Kuya, ano ‘yung makulay na hugis bituin, na nakasabit sa mga bahay-bahay?” wika niya habang tinuturo ang mga makukulay na palamuti.
Pinagmasdan ko ang kaniyang tinitingnan. Ang mga hugis bituin na may iba’t ibang kulay—ang mga parol.
“Parol ang mga iyon, isa sa mga sumisimbolo tuwing Pasko,” nakangiti kong tugon.
“Pasko na nga pala! Ang gaganda ng mga liwanag!”
Minasdan ko ang aking kapatid. Sa kabila ng kaniyang dinaramdam, mababakas sa kaniyang mga mata ang kasiyahan. Isang inosenteng kerubin—tila isang munting bituin na sumisinag sa pusikit na karimlan.
Ilang langkay ng mga bata ang dumaan sa harap ng aming bahay, siguradong uuwi na sila sa kani-kanilang tahanan buhat sa pangangaroling. Uni-unting nawawala ang ingay sa lansangan at ang mga alikabok na dulot nang mga yabag ng tao sa maghapon, ay payapang nakahimlay na sa daan.
Lumalalim na ang gabi, ngunit ang mga nakapintang tanawin ng Pasko sa lansangan ay naroon pa rin. Ang mga bituin ay nadagdagan ng liwanag, mistulang mga matang tumitingin sa isang batang umaasang mapagbibigyan ang kahilingan.
“Matulog ka na Tala, hindi naman mawawala ang mga bituin sa kalangitan.” Kinalong ko ang aking kapatid at niyapos siya nang mahigpit. Nadama ko ang lamig sa manipis niyang katawan.
“Hindi pa ako inaantok, Kuya.”
“Pero, masama sa isang prinsesang tulad mo ang pagpupuyat,” ani ko habang hinahaplos ang kaniyang buhok.
Isang makinang na liwanag ang mabilis na gumuhit sa kalangitan, na nagpatigil sa sasabihin ng aking kapatid.
“Kuya, ano ‘yun?!” namamanghang bulalas niya, habang pinagmamasdan ang unti-unting paglalaho ng liwanag sa kalangitan.
“‘Yun ba? Isa sa mga sining tuwing gabi, isa iyong bulalakaw. Dali, humiling ka!”
“Bakit, Kuya?” nagtataka niyang tanong.
“Basta, humiling ka na, tutal magpa-Pasko naman mamaya.”
“Tula na lang, gusto kong iparinig sa’yo ang ginawa kong tula, Kuya.”
“Sige nga, aking prinsesa,” nakangiti kong tugon.
Kumalas siya sa aking pagkakayakap at dumungaw sa bintana. Tinitigan niya ang milyong bituin sa kalangitan at umusal ng isang tula,
“Kay ganda nang gabi,
Tulog ang aking kaibigan na tutubi.
Ang liwanag na gumagabay sa aking paglaki,
Sana’y magbigay tanglaw at ‘di mapundi.
Isang bulalakaw ang dumaan,
Tila ako’y pinagmasdan,
Salamat kay Kuyang laging nariyan,
Namamalas ko ang mga sining ng kalikasan.
Si Inay at Itay, sana’y ‘di mamanglaw sa Pasko.
Alam kong may kapalaran ang bawat tao,
Na sumasabay sa pag-inog ng mundo,
Salamat, sa lahat, tinatanggap ko na ang kapalaran ko.”
Nanubig ang aking mga mata sa tulang binigkas ng aking kapatid. Alam niyang hanggang mamaya o kinabukasan na lang ang kaniyang buhay. Sa mura niyang edad, tinamaan na siya ng sakit—kanser. May malaking bukol sa ulo niya, na pilit niyang nilalabanan sa loob ng labing-isang taon hanggang ngayon. At ayon sa mga doktor hanggang bukas—araw ng Pasko na lamang… siya.
Masakit mang isipin, ngunit alam niya ang dahilan nang kaniyang pangangayat at laging pagkakaratay sa higaan. Sina Itay, Inay at ang mga doktor, kahit ginawa na ang lahat para labanan ang ipokritong sakit, wala pa ring nagawa upang gumaling ang aking kapatid.
Isang suwail na luha ang marahang bumulusok pababa. Kita ko ang pagmamarka nito sa sahig. Sa pagbaling ko sa aking kapatid, nagtama ang aming mga mata.
“Umiiyak ka ba, Kuya?”
“Ano… a, e, hindi, napuwing lang si Kuya. Halika, tulog ka na, malalim na ang gabi.” Pinahid ko ang luhang nagsuplong sa aking nararamdaman at inihiga ang aking kapatid sa kaniyang higaan.
“Kuya, maari ko bang mahawakan ang mga bituin? ‘Yun na lang ang kahilingan ko ngayong pasko.”
“Oo naman. Hayaan mo, ikukuha ka ni Kuya. S’ya, matulog ka na, para sa pagsapit ng Pasko mamaya, makita mo ang ganda ng mga bituin,” wika ko at pilit na ngumingiti.
“Talaga, mahahawakan ko ang mga bituin? Bilib na talaga ako sa’yo, Kuya!”
“S’yempre para sa prinsesang tulad mo gagawin ko, bituin lang e. Pangako!”
Mabini siyang ngumiti at hinaplos ang aking mga kamay. “Kuya, p’wede mo ba akong kantahan, ‘yung paborito mong awiting pamasko?”
Huminga ako nang malalim at inalala ang paborito kong kanta. Kantang itinuro pa ni Inay habang sinasaliwan naman ng gitara ni Itay. Isang kanta na natatangi para sa araw ng Pasko.
Marahan kong ibinuga ang hangin mula sa aking baga at sinimulang kantahin ang mga linya,
“Malamig ang simoy ng hangin
Kay saya ng bawa’t damdamin
Ang tibok ng puso sa dibdib
Para bang hulog ng langit
Himig ng Pasko’y laganap
Mayroong sigla ang lahat
Wala ng kalungkutan
Lubos sa kasayahan
Himig ng Pasko’y umiir—”
Itinigil ko ang pagkanta nang makita ko ang pagbaba ng kaniyang mga talukap, tanda na mahimbing na siyang natutulog. Isang halik ang iginawad ko sa kaniyang noo at maingat akong bumaba sa kaniyang higaan.
Lumapit ako sa bintana at tiningnan ang mga bituin sa kalangitan. Payapa na ang paligid, ang himig ng hangin tuwing pasko ang tanging nagbibigay musika sa kapaligiran. Naghahanda na ang mga tao para sa kapanganakan ni Kristo at pagsapit ng Pasko.
Isang sulyap sa mga bituin, sa makulay na lansangan, sa aking kapatid na si Tala, ay tuluyan ko nang inalis ang pantukod sa bintana.
Maingat kong sinarado ang pinto at dahan-dahang bumaba ng hagdan.
Nakita ko si Inay at Itay, na naghahanda para sa noche buena mamaya. Bakas man ang lungkot sa mga mata nila, alam kong kaya nilang lampasan ang mga pagsubok.
“Kumusta ang kapatid mo?” bati ni Inay.
“Natutulog na po,” tipid kong tugon.
“Sige, ako naman ang magbabantay sa kaniya. Tulungan mo ang Tatay mo sa paglulu—”
“‘Nay, may kukunin lang ako sa labas, p’wede po bang mamaya na ako tumulong?” ani ko na pumutol sa mga sasabihin ni Inay.
“Saan ka ba pupunta?”
“Sa burol po, naiwan ko ‘yung mga ilang pananamin na para sa ngayong taon,” saad ko habang sinusuot ang aking tsinelas.
“Sige, dalian mo lang. At mamaya’y Pasko na. Mag-ingat ka!”
Pagkasabi ni Inay, ay agad akong tumakbo palabas ng aming bahay. Kinuha ko ang ilawan na langis, lumang salakot at ilang mga garapon. Sinindihan ko ang ilawan at nagmamadaling binagtas ang daan patungong burol.
Nadaanan ko ang mga bahay na may makukulay na palamuti. Nakasalabid sa mga puno ang mga ilaw na kumukutitap tuwing gabi at ang mga parol ay tila nagmamatyag sa pagsapit ng kapanganakan ni Kristo.
Maingat kong tinawid ang tulay na kahoy, na nag-uugnay sa aming nayon at burol. Kita ko ang malakas na agos ng tubig, at mga batong matatalas sa ibaba.
“Hayaan mo Tala, ikukuha kita ng mga bituin,” mahina kong bulong nang makatawid na ako sa tulay.
Minasdan ko ang kalangitan, maliwanag ang mga bituin, at ang himig ng pasko’y unti-unting sumasabay sa hangin. Pinuntahan ko ang aming maliit na kubo, kinuha ang mga pananim at sinilid sa aking bulsa.
Binagtas ko naman ang latian kung saan namamahay ang mga panggabing hayop at insekto. Dinig ko ang ingay ng mga kuliglig na tila hinihintay ang aking pagdating.
Maya-maya’y nakita ko na rin ang mga bituin na nagliliwanag sa karimlan, tila may mga dalang sulo upang sa dilim ay tumanglaw. Pinatay ko ang ilawang langis at marahan kong nilapitan ang langkay ng liwanag.
Hinubad ko ang aking damit, ibinuhol ang dulo at sinilo ang mga mumunting ilaw. Maingat kong sinilip ang loob ng aking damit at nakita ko ang mga bituin.
“Ang mga bituin ni Tala!” bulalas ko sa hangin.
Muli kong binuhay ang dala kong ilawan at nagmamadaling bumalik sa aming kubo sa burol.
“May kulay, may liwanag at may kahilingang matutupad. Tala, kapatid ko, hintayin mo ako,” nakangiti kong saad, habang isa-isa kong isinilid ang mga bituin sa aking dalang garapon.
Mga ilang minuto lamang ay narating ko na ang aming nayon. Mangilan-ngilan na mga bata ang aking namataan sa lansangan na tila bagong gising. Muling nabuhay ang paligid, ilang oras na lang at Pasko na.
Kipkip-kipkip ko sa aking dibdib ang mga garapon, at tumuloy na sa aming bahay. Nakita ko si Itay na mugto ang mga mata.
“’Nak, hinahanap ka ng kapatid mo. Naroon ang iyong Inay sa taas. Ako, dito muna ako. Ayokong makitang nahihirapan si bunso,” ani Itay na pilit pinipigilan ang pagluha.
Niyakap ko nang mahigpit si Itay at tinapik siya sa balikat. “Sige po, puntahan ko na si Tala.”
Nagmamadali akong umakyat patungo sa k’warto ng aking kapatid. Huminga muna ako nang malalim at marahang binuksan ang pinto. Nakita kong bukas ang bintana at nakaupo si Inay sa higaan, katabi ni Tala.
“K-uya… i-kaw ba ‘y-an?” wika nito na pilit bumabangon sa kaniyang higaan.
Tiningnan ko si Inay, mugto rin ang kaniyang mga mata. Ramdam ko ang sakit na kaniyang pinapasan at kirot sa dibdib na pinagtitiisan.
“Oo, ang Kuya mo ‘to.”
“P-asko… na… ba? M-a-gan-da p-ar… in ba ang m-ga b-ituin?” naluluha niyang tanong habang hinahawakan niya ang kaniyang ulo.
“Malapit na ang Pasko, Tala. At saka, maganda pa rin ang mga bituin. Heto nga o, dala ko ang mga bituin na para sa’yo.” Mariin kong ipinikit ang aking mga mata upang ang mga luhang namumuo ay huwag bumagsak.
Itinaas ko ang garapon na naglalaman ng mga bituin at binuksan ang takip. Isa-isang lumabas ang mga munting liwanag at dagling tumanglaw sa buong k’warto.
Kita ko ang kinang sa mga mata ng aking kapatid. Ang buhay, kulay at sining ng mundo. Maya-maya’y isang alitaptap ang dumapo sa kamay ni Tala.
“K-uya, m-agan… da, ito ba a-ng b-itu-in ng ka-li-kasan?” Nauutal niyang wika at pilit ngumingiti sa akin.
“Oo, Tala, aking prinsesa, sila ang mga bituin ng kalikasan.” Mapakla akong ngumiti habang hinahaplos ang kaniyang buhok.
“A-ng ga-nda nila—. K-uya, ma-sa-kit! Ma-sakit! A-la-gaan mo si-na Itay at Inay ha. M-ahal ko… kayo,” namimilipit na wika pa niya habang itinuturo ang sumasakit niyang ulo.
Tuluyang bumagsak ang mga luhang kanina ko pang pinipigil at niyapos ang aking kapatid. Hinalikan ko ang kaniyang noo, buhok at mga kamay.
“K-uya, p’-wede… mo… ba akong ka-nta-han ng a-witing pa-mas… ko, ‘yung pa-bo-rito mo?” May bikig sa lalamunang pakiusap niya sa akin habang hilam ng sarili niyang mga luha.
“Oo… oo… s-yempre naman. Ikaw pa, aking prinsesa. Pakinggan mo si Kuya ha?”
Pinagmasdan ko si Inay na humihikbi, at kapit-kapit ang isang kamay ni Tala. Pinahid ko ang mga luha sa aking mga mata at sinimulang bigkasin ang kanta,
“Malamig ang simoy ng hangin
Kay saya ng bawa’t damdamin
Ang tibok ng puso sa dibdib
Para bang hulog ng langit
Himig ng Pasko’y laganap
Mayroong sigla ang lahat
Wala ng kalungkutan
Lubos sa kasayahan
Himig ng Pasko’y umiiral
Sa lahat ng bawat tahanan
Masaya ang mga tanawin
May awit ang simoy ng hangin
Himig ng Pasko’y laganap
Mayroong sigla ang lahat
Wala ng kalungkutan
Lubos sa kasayahan
Himig ng Pasko’y umiiral
Sa loob at labas ng tahanan
Masaya ang mga tanawin
May awit ang simoy ng hangin.”
Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng luha sa aking mga mata nang matapos ko ang awitin. Minasdan ko ang humahagulhol na si Inay, ang bukas na bintana, ang mga alitaptap—bituin ng kalikasan, at ang aking kapatid na si Tala.
Sa pagtunog ng batingaw sa simbahan, ay hudyat nang pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo at pagsapit ng Pasko.
Nakita ko ang pagkibot ng mga labi ng aking kapatid at narinig ko ang mahina niyang pag-usal,
“S-alamat, K-uya.”
Tuluyang nalaglag ang kaniyang mga kamay mula sa aking pagkakakapit, habang ang mga himig ng Pasko sa lansangan ay aking naririnig at ang mga alitaptap ay unti-unting lumalabas sa bukas na bintana.

10.The Day of Yore by Ma. Aurora Autajay

The Days of Yore

It floods the days with laughter-
The tender days of yore…

Inter-family members gather together
To share, to love, kind hearts endure…

Gently, by the years, sad days capture
Cuddled sweet memories to the waves of yore…

When I was small, everyone’s around altogether,
Yet the flight of the rough winds befall us yonder…

The golden years reached, the silver lining’s crest,
The waves upon the shore never did rest…

I missed the days of yore
When a walk and the waves settle ashore…

And the days of golden sunshine
Sketched with its first stroke the chest of mine…

… with your eyes, like pencil,
With rainbow colors on the easel…

Yet, those days have gone, maybe forever?
I’m left behind, to pain, to suffer…

Till the last breath of the wind, I will keep you forever,
Till rainbow clouds bring me back to you once more.

Advertisements